Tuesday, April 5, 2016
Please Share
Natapos natin ang dalawang aralin sa libro mo. Kakatapos lang din natin mag-tanghalian. Tapos na ako maghugas ng pinggan, magsampay ng ilang labada at ngayo'y nagwawalis at nagpupunas ng sahig. Gusto mong magkipaglaro, at nag-alok ka din na tumulong maglinis. Ikinwento ko sayo ang kahabag-habag na pinagdaraanan ng mga magsasaka sa Kidapawan ngayon. Natuyo ang mga pananim dahil sa El Nino at wala silang makain. Nag-organisa sila at hiniling sa pamahalaan na ibigay ang bigas na nakalaan para sa kanila.
Dinispersa ang kanilang linya sa marahas na paraan. Dalawang magsasaka ang namatay, sina Rogelio Daelto at Virgilio Lumundang. Marami ang nasugatan sa kanilang hanay.
Napakaraming makasarili, napakaraming sakim sa ating pamahalaan, napakaraming gutom para sa mas marami pang kapangyarihan o pera. Napakarami rin na mga kapwa Filipino natin ang hindi makaintindi sa sa ating mga magsasaka, at kung ano - mula sa kanilang mga puso, isip, at kumakalam na tiyan, ang naghimok sa kanilang dalhin sa mga kalsada ang kanilang hinaing.
Ikinalungkot natin pareho na ang mga nagtatanim ng ating pagkain ay siya mismong nagugutom. Nauwan mo rin na napakarami pa sa atin ang magdurusa kapag nagpatuloy ito. Mahalaga na ipaalam natin kung ano ang nangyayari, ipaunawa ito sa mas marami pang tao. Marami rin namang gusto tumulong, at isaayos ang mga tunay na ugat ng ganitong pangyayari.
Sabi mo sa akin, na may halong galit at sigla para gawin ang tama: gusto mong magpaskil sa bawat pinto ng lahat ng tao, "Please share." Gusto mo ibahagi ang pagkain, at gusto mo rin ibahagi at unawin ang kwento ng mga magsasaka.
Madalas hilingin ng mga magulang na mas maging magaling sa kanila ang kanilang mga anak. Hiling ng mga magulang na mas maging mabuti ang loob ng kanilang mga anak, mas maunlad ang pag-iisip, mas maligaya, mas malikhain at mas masaya kaysa kanila. Pero hindi kita pipilitin maging kahit ano. Ginagabayan ka namin, pero hindi ka namin pepwersahin.
Sa ipinapakita mo sa amin ngayon, anak, kailangan mo lang maging totoo sa sarili mo.
No comments:
Post a Comment